long overdue na tong entry na to. dapat nung linggo pa, pagkadating na pagkadating ko galing sa immersion. kaso andaming kong ginawa. sa school, sa bluerep, sa wvb team, pati na rin iac. araw-araw gabi na ako umuuwi.
at ang dami pang kailangang gawin.
kaya nga ba lalo kong namimiss ang dugtong. dun ako nag-immersion, kasama ng 14 pang mga atenista at ni bob ng OSCI.
papakilala kita sa pamilya ko:
si rose, si nanay tess, ako, si jessica, at si grace. tulog na si tatay boy kaya wala siya jan.
at eto nga pala ang naging partner ko, si monique. astig kasi nun lang kami nagkakilala, pero bonding na agad. kakulitan namin si jessica, sobrang bibo at pahnee.
nakakatawa. akala ko hindi ko kakayanin. isipin mo, sa mga mangingisda kami nakitira. ang bahay namin, pilapil lang tapos ilog na. wala kaming banyo, meron lang maliit na kuwadradong natatakpan ng mga sako. dun na lahat: ligo, ihi, jebs.. diretso sa ilog. kung anong mahuli o mahingi ni tatay, yun ang pagkain namin. walang ref. pero may tv. at malaking karaoke. maputik at madulas ang pilapil, lalo na kapag umuulan. maraming batang nakakalat, ilan sa kanila walang salawal. yung iba, tumatalon na lang basta sa ilog at nanghuhuli ng hipon. alas otso pa lang, halos nakapatay na lahat ng ilaw. lahat ng tao nasa loob na. maagang natutulog ang mga tatay kasi maaga rin silang gumigising para pumalaot.
ang hirap ng buhay doon. nahirapan ako. pero tulad na rin ng sabi ni monique, ilang araw pa sigurong nagtagal kami doon, masasanay na rin kami.
ang hirap ng buhay doon, pero parang ang saya. parang lahat masarap.
ang sarap maligo kahit malayo sa nawasa ang tubig namin, dahil pinaghihirapan ni tatay ang pag-iigib. ang sarap matulog sa papag. ang sarap mag-toothbrush. ang sarap magkarga ng batang walang salawal, kahit ihian ka niya ng walang sabi-sabi. ang sarap ng mga chichiryang tigpipiso, na hindi ko naman pinapansin dito. ang sarap gumising sa umaga, lalo na dahil alam mong isasama ka ng tatay mo na manghuli ng alamang sa dagat. ang sarap ng isda. oo, tama yung nabasa mo. ang sarap ng isda.
ang sarap palang magka-tatay. yung tatay na nandiyan, yung nagtatanong sayo kung kumain ka na ba, kung me kailangan ka. yung tuturuan ka kung paanong mag-prito ng isda o humawak ng sugpo.
lahat talaga masarap. parang kahit tatlong araw lang kaming nagkasamasama, parang tanggap na tanggap nila kami. parang mga tunay na anak. hindi lang sila, pati yung buong strip ng dugtong. kahit saang bahay ka kumatok, papatuluyin ka. papakainin ka, kahit wala na sila.
nakakaiyak, nakakagalak ng sobra. nahihiya rin ako sa sarili ko dahil hindi ko alam kung kaya ko ring gawin para sa kanila ang ginawa nila para sakin. parang kahit walang-wala na sila, andami pa rin nilang maibibigay. parang kahit nahihirapan sila, buo sila. makikita mo yung pagmamahal nila.
ang naidulot sakin ng pakikisama sa cabe family, hindi lang basta appreciation sa kung anong meron ako at sa kung nasaan ako ngayon. mas malalim pa dun. parang kahit ang hirap sa dugtong, mas nakita ko doon kung ano talaga yung mahalaga. kung ano talaga yung magbibigay sayo ng saya. hanggang ngayon naiiyak ako kapag naaalala ko.
iba talaga. iba talaga.
pagkauwi ko galing samal, bataan nagpasama ako kay jope na magsimba. kinuwento ko sa kanya yung mga natutunan at nararamdaman ko dahil sa pagtira sa dugtong. at natuwa ako dahil alam kong naintindihan niya. mas todo pa nga yung naranasan niya sa JVP, isang buong taon yun. mas malalim na level ng kaligayahan siguro yung kanya.
naluha ako sa pasasalamat noon habang nagsisimba. naluluha ako at patuloy na nagpapasalamat hanggang ngayon. mahal talaga ako ng diyos. hindi ko na kailangan pang magsabi, alam na niya agad. mahal niya talaga tayo.
dasal ko lang, sana maramdaman mo rin ang nararamdaman ko, one way or another.